<< December 2009 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
 01 02 03 04 05
06 07 08 09 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28 29 30 31


If you want to be updated on this weblog Enter your email here:



rss feed



Saturday, June 30, 2007
Kapangyarihan

KAPANGYARIHAN
(dula)
ni Clodulado del Mundo

Mga Tauhan:
            Bernado – isang taong katangi-tangi ang lakas
            Berting – (8 taon) – ang anak niyang sumasamba sa kaniya
            Iba pang mga anak at mga ama.

            (Pagbubukas ng tabing ay makikita ang isang pulutong ng nagsisipaglarong mga bata. Di-kawasa'y nag-away ang dalawang batang lalaki.)

Batang Maliit – (Mangiyak-ngiyak.) Akala mo yata porke maliit ako ay kaya mong lokohin…ihahanap kita ng kapareho mo, o…

Batang Malaki – Marami ka pang sinasabi, miski na sino!

Batang Maliit – Kay Berting ka ,o…

Batang Malaki – Ang laki-laki naman ng tatay ng ipinapareho mo sa akin e. Kung bugbugin pa ako ng tatay niya…huwag na!

Batang Maliit – Sabihin mo'y talagang takot ka! (Nagpalitan ang ibang mga bata sa dalawang magkakagalit.)

Unang Bata – Siya nga naman. Bakit mo iintindihin ang kanyang tatay? Miski ba ang tatay mo ay di malakas din. Manhik-manaog ang tatay mo'y kaydaming dinadalang tao, kahit maghapon ay di napapagod, di ba malakas din iyon?

Batang Babae – Bakit, ano ba ang tatay niya?

Lahat – Ha, ha, ha, kaylakas-lakas nga!

Batang Malaki – Basta puwera si Berting. Masyadong higante ang kaniyang tatay. Baka pati tatay ko'y gulpihin niya.

Berting – (Narinig ang usapan.) Ano ang sinasabi mo, tungkol sa aking tatay?

Batang Malaki – Aba, wala naman akong sinasabing masama laban sa tatay mo, a. Ang sabi ko pa nga'y malakas ang tatay mo, e.

Berting – (Nasiyahan) Tama ang iyong sinabi. Isang Marikanong negro man ay hindi maaaring patumbahin ang aking tatay.

Isang Bata – (Hangang-hanga) Siya nga ba?

Berting – (Lalong nagmamayabang.) Maniwala kayong lahat. Isang araw, ang tatay ko'y pinagtulungan ng pitong taong holdaper – alam ninyo ang nangyari?

Lahat – (Buong pananabik.) Ano ang nangyari?

Berting – Kaliwa't kanan ang ibinigay niya. Tumbang lahat! Pagkatapos ay isinabit niya sa mga sanga ng punong mangga ang malalaking katawan ng mga humarang sa kanya.

Unang Bata – Walang-hiya…ang lakas, ano?

Batang Malaki – Pero, Berting, kahit na malakas ang tatay mo, may araw ding makakatagpo siya ng kasukat.

Berting – (Magpapating ang tainga.) Ano ang sinasabi mo? Dito sa buong Pilipinas, pustahan tayo, walang lalakas sa tatay ko!

Batang Malaki – Masiyado ka namang hambog…

Berting – (Itutulak ang bata.) E, ano lalaban ka ba? Sinabi ko sa iyong walang lalakas sa aking tatay…tapos ang kuwento!

Batang Malaki – Huwag kang mainit, tsip. Kung malakas ang tatay mo…e, di malakas!

Berting – (Nasisiyahan.) Iyan ang tama, moy. (Lalabas sa tanghalan si Bernado, na pagkalaki-laki.)

Berting – (Buong pagmamalaki.) Tatay!

Ikatlong Bata – (Halos sa sarili'y naibulong.) Walang hiya, higante ito!

Berting – Tatay, ang sabi ko sa aking mga kaibigan ay pinakamalakas ka rito sa atin at kahit na saan.

Bernado – A-ha…Tama ang sabi mo, Berting. Ang tatay mo'y lalakas…walang kasinlakas!

Berting – 'Tay, ipakita mo nga iyong lakas sa kanila, ang iyong katawang maskulado, ang iyong muscles.

Bernardo – A-ha…o, eto! (Magpapakita ng gilas naman na lalong ikahahanga ng mga bata.)

Berting – (Buong pagmamalaki.) Ano ang sabi ko sa inyo?

Ikatlong Bata – Talagang Bernardo nga ang bagay na ngalan ng tatay mo, para siyang si Bernardo Carpio. (Lalabas sa tanghalan si Joseng Arbularyo, ang ama ng malaking bata.)

Berting – Mang Jose…

J. Arbularyo – Ano iyon, Berting?

Berting – Ipakita nga ninyo ang inyong lakas sa aking tatay. Tingnan ko, kung mayroong lakas na makukuha sa mga ugat ng halaman.

Bernardo – Bakit, anak, mayroon bang sinabi sa iyo si Mang Jose Arbularyo tungkol sa aking lakas? (Lalapitan si Joseng Arbularyo na ang kaliita'y nanginginig sa harap ng napakalaking si Bernardo.)

J. Arbularyo – (Nanginginig sa takot.) Aba, Mang Bernardo, wala naman akong sinasabi tungkol sa inyo.

Berting – Wala nga kayong sinasabi pero itong anak ninyo, (Ituturo ang malaking bata.) ay parang may ibig itawad sa lakas ng aking tatay.

Bernardo – A…kailangang patunayan ko sa harap ng inyong anak ang kapangyarihan ng aking lakas, gayon ba, maginoong Arbularyo? (Pinitsirahan at itinaas ang arbularyo ng isang kamay niya.) Ano, naniniwala ka na ba?

Malaking Bata – Opo, opo…malakas nga kayo, Mang Bernardo! (Dahan-dahang ibinaba ni Bernardo si Joseng Arbularyo.)

Bernardo – Ngayon, ginoong Arbularyo, marahil ay kilala na ninyo ang kapangyarihan. Iyang gamut-gamot ninyo—a, iya'y walang kabuluhang lahat sa kapangyarihan sa kapangyarihan ng aking lakas.

J. Arbularyo – Siya nga, Mang Bernardo. (Lalapitan at pipirutin ang tainga ng kaniyang anak.) Halika nga, sa bahay tayo mag-usap nang masinsinan. (Aalis sa tanghalan si J. Arbularyo at ang anak ay umiiyak ng aruy!)

Bernardo – Arbularyo o medikong tunay man, lahat sila'y pareho sa akin. Ang dunong ay hindi lakas. Ang lakas ay kapangyarihan. (Lalabas sa tanghalan si Juwang Pastor.)

J. Pastor – (Na ang tinutukoy ay ang kanyang anak, ang Unang Bata.) Monching umuwi ka na sa bahay…

Unang Bata – Pero, 'Tay, nanonood pa po ako kay Mang Bernardo, e.

J. Pastor – Sinabi kong ikaw'y umuwi na. (Susunod ang Unang Bata. Susundan na sana ni J. Pastor ang kaniyang anak, nguni't siya'y hinarang ni Bernardo.)

Bernardo – Tila wala kayong gusto sa akin, ho, maginoong Pastor?

J. Pastor – (Mahinahon) Walang dahilan upang ako'y mamuhi o humanga sa inyo.

Bernardo – Pero, kayo'y mayroong bagay na kinikilala, hindi ba?

J. Pastor – Kumikilala ako sa iisang bagay.

Bernardo – Sa anong bagay, maginoong Pastor?

J. Pastor – Sa lakas ng kapangyarihang hindi natin nakikita ngunit nakapangyayari sa lahat.

Bernardo – A…Kalokohan, kalokohang lahat ang sinasabi ninyo! Ang kapangyarihan ay nasa lakas…sa lakas na maaaring gamitin at maramdaman.

J. Pastor – Ang lahat ng lakas ay nagmumula sa iisang kapangyarihan.

Bernardo – (Yamot) Maginoong Pastor, ngayon din ay ipakikilala ka sa inyo kung ano ang lakas na ibig kong Sabihin. (Sasakalin si Pastor.)
(Mapapatingin sa anak, luluwagan ang sakal.) Para sa iyo, Berting, ay sa ibang araw ko na patutunayan ang ibig kong sabihin sa maginoong Pastor.
(Aalis si J. Pastor, samantalang hinihimas ang kanyang liig. Sa yugtong ito'y maghihiwa-hiwalay na rin ang mga bata.)

Ikatlong Bata – Sayang! Kuwarta na sana ni Mang Pastor! (Susunod sa pag-alis ng iba. (Susunod sa pag-alis ng iba.)

Bernardo – (Sa kaniyang anak.) Iyan ang tatandaan mo Berting. Para mabuhay sa ibabaw ng mundo ay kailangan ang lakas. Ang lahat ng iyong gusto, ang lahat ng bagay, ay makukuha mo sa pamamagitan ng lakas.

Berting – (Paghanga.) Talagang wala nang lalakas pa sa iyo, ano 'Tay?

Bernardo – A-ha…totoo iyang sinabi mo.

Berting – Miski na pulis, takot sa iyo, ano 'Tay?

Bernardo – A-ha…kahit pulis, tao rin siya, hindi ba? Pulis man ay ayaw masasaktan, Berting.

Berting – Pag laki ko 'Tay, ay magiging malakas akong katulad mo.

Bernardo – A-ha…iyan ang mabuti, anak. Maging malakas ka at ikaw'y magkakaroon ng isang kapangyarihan upang ikaw'y hindi maging api-apihan.

Berting – Pero, 'Tay, basta ba't malakas ay tama na?

Bernardo – Iyan ang tama, Berting. Sa buhay na ito ay ang lakas ang matuwid.

Berting – Tayna, 'Tay, sa bahay na ako mag-eensayo para lumakas.

Bernardo – A-ha…Tayo na…
(Si Berting ay Susunod nang papasok sa loob, sa gawing kaliwa ng tanghalan mawawala.)
(Paglingan niya'y matatanaw ang pagkasagupa ng isang awtomobil sa kaniyang anak.) Berting!

Unang Bata - (Maririnig ang biglang langitngit ng preno at ang sigaw ni Monching.) Nasagasaan si Berting!
(Si Bernardo ay parang mapapako. Hindi siya makakilos hanggang sa lumabas si Joseng Arbularyo na taglay sa kaniyang mga bisig ang walang-malay na si Berting.)

J. Arbularyo – (Pagkababa kay Berting sa isang karita.) Nag-aagaw buhay siya…

Bernardo – (Parang naalimpungatan.) Mang Jose, iligtas ninyo siya…agawin ninyo sa kamatayan ang aking si Berting.

J. Arbularyo – (Iiling) Wala akong kapangyarihan sa buhay at kamatayan, Mang Bernardo…(Susuriin si Berting) Mang Bernardo, huwag kayong mabibigla, lasug-lasog ang mga buto sa kaniyang katawan.
(Ang mga bata ay Lalabas, malungkot na titingin kay Berting.)

Berting – (Paanas) 'Tay, kargahin mo ako…iuwi mo ako…
(Kikilos si Bernardo. Dahan-dahang niyang inaangat ang katawan ni Berting ngunit parang nangangapos ang kaniyang lakas.)

Berting – 'Tay…ako lang…hindi ninyo mabuhat. Hindi ba…malakas kayo.
(Sisikapin ni Bernardong mabuhat si Berting. Ang tanging nagawa niya'y mapayuko sa panghihina.)

Berting – Malakas ka naman…'Tay, ipakita mo nga…sa aking mga kaibigan…ang iyong lakas. Buhatin mo…ako…'Tay.
(Hindi nakatagal sa pagmamasid si J. Arbularyo. Tinawag niya ang mga bata. Aalis lahat sa tanghalan.)

Berting – (Pahikbi at mahinang mahina.) 'Tay…Iuwi mo na ako!
(Mangiyak-ngiyak at pinapawasan, sinikap ni Bernardong buhatin ang kanyang anak. Hindi niya mahawakan ang luray na katawang tuwi niyang hihipuin ay parang kinikilig siya.)

(Maririnig — Tinig ng Pastor) – Bernardo, ang lakas ng kapangyarihang hindi natin nakikita ang nakapangyayari sa lahat. Ang lahat ng lakas ay nagmumula sa Kaniya.

Bernardo – (Nakatingin sa kaitasaan) Ngunit ang pagtitiwala ni Berting sa aking lakas, ang pagtitiwala niya'y huwag Mo pong bawiin…Huwag Mo pong itulot na masiphayo ang kanyang pag-asa sa kahuli-hulihang tibok ng kanyang puso…

(Maririnig na Tinig) …… Nasa Kaniyang kapangyarihan ang lahat, Bernardo. Nasa lakas ng Kaniyang kapangyarihan.
(Uulitin ni Bernardo ang pagbuhat sa durog na katawan ni Berting. Halos hindi niya maiaangat ang katawang iyon, parang napakabigat ng kaniyang dala. Gumalaw siya upan humakbang ngunit sa bawat hakbang ay parang mababagsak ang kanyang dala.)

Bernardo – (Sa tinig na punung-puno ng pagpapakumbaba.) Diyos ko, bigyan Mo po ako ng lakas!
(Samantalang dahan-dahang lumalakad si Bernardo na luhaan ang mga mata, at sa kaniyang mga bisig ay taglay ang pinakamabigat na dalahin – ay laladlad ANG TABING.)


Posted at 12:19 pm by Tari_Coamenel
Comments (2)  

Ang Bangkero

Ang Bangkero
salin ni Lourdes H. Vidal

Noong bago pa lamang ang lungsod Maynilang
Tinangka’t nilalang ng maykanilangan.
Nagpatayo sila ng mga paaralang
Kung saan pumasok ang mga pantas at paham.

Tatlong paaralan ang magkakapisan:
Iyong Santo Tomas at San Juan de Letran;
Santa Terisita, colegio din naman
Sanayan ng isipan ng mag-aaral.

Lumipas ang taon, natapos ang aral,
Umuwing lahat ang nagsisipag-aral
Sa kanilang bayan na kanilang taglay
Lahat ng dangal, puri at karunungan.

Sa tawiran may isang nais sumapit
Sa malapad na pampang ng ilog Kalumpit;
Tumawag ng bangka sa kanyang pagtawid;
”Magbabayad ako paglipat ng tubig.”

Sumakay na roon iyong mag-aaral;
Umupong tahimik sa isang luklukan;
Binuksan ang payong, saka nagpahayag:
”Dinggin mo, bangkero, ang aking pahayag.”

Sa gitnang ilog, bangkero’y nagsasagwan,
Tanong ng mag-aaral sa kanya: “Ilang
Koro ang anghel sa kalangitan,
Ang mga santo at santa ilang pangkat?”

Napatanga na nga ang batang bangkero;
Nang sa mag-aaral sumagot na ito:
”Ito lang ang kaya ng dukhang balak ko.

“Dahil sa akin sana iyong inaalam
Una at huli ng bangkang sinasakyan,
At saka itong katig at itong sagwan;
Ito ang alam ko, siyang kinagisnan.

“Kahit na mababa ang napag-aralan;
Bunying Pilosopo, aking itatanong;
Magbuhat po dito hanggang sa dalungan
Ilan kaya ang hampas ng aking sagwan.

“Pagsulak ng tubig, paglitaw ng bula
Sa pagpupulutong ilang libo kaya;
Sa akin sagutin itong inuusisa
Pagkat pantas ka, marunong, masalita.”

Mag-aaral nagulat, nag isip-isip,
Tanong ng bangkero nagsara ng bibig;
Kusang nagsisi, sarili ang inusig
Kung ba’t ang bangkero kanya pang sinulit.

“Ito lamang gaod nitong aking sagwan,
Hindi mo mabilang nang may katiyakan,
’Yong anghel sa langit, sila mo pang alam
Gaya ko’y di ka galing sa kalangitan.

“Binabalaan ko, Pilosopong palso,
Nararapat huwag kalimutan ito;
Kung di mo kasama sa klase natuto,

Huwag tanungin ng dunong na abstracto.
”Tingnan si Lusiper noong unang araw,
Sa trono ng langit ilaw siyang tanglaw;
Nagpalalo siyang, nagtaas ng lipad,
Doon sa Impiyerno siya ang lumagpak.

Kayong nakikinig, huwag nang tumulad,
Doon sa mag-aaral, palalong sukat;
Sa Maynila nag-aaral ng kakapurat,
Pagbalik niya, Kastilaloy na agad.


Posted at 12:19 pm by Tari_Coamenel
Comments (8)  

Friday, June 15, 2007
Paalam Sa Pagkabata

Paalam sa Pagkabata
(kwento/cebuano)
Salin ni Nazareno D. Bas sa

"Panamilit sa Kabantanon ni Santiago Pepito"

[Pangkat I]

Wala akong nakikitang pagbabago. Tulad nang nagdaang mga madaling-araw: ang ginaw, katahimikan, dilim – iyon din ang bumubuo ng daigdig ng aking kamalayan. Maraming bagay ang dapat mailarawan. Ngunit alam kong iisa lamang ang kahulugan ng mga iyon. Alam ko.

Sa kabilang silid, sa kwarto nina Nanay at Tatay, naririnig ko ang pigil ng paghikbi. Umiiyak na naman si Nanay. Ang sunod-sunod na paghikbi ay tila pandagdag sa kalungkutan ng daigdig. Napabuntung-hininga ako. Umiiling-iling. Hanggang ngayon hindi ko pa nakikita ang tunay na dahilan ng damdaming iyon na matagal nang umalipin sa kanya.

Walang malinaw sa aking isipan. Mula sa aking pagkamulat ang pagkainip ay kakambal ng aking buhay. Sa aking pag-iisa di ko maiwasan ang pangarap na magkaroon ng batang kapatid na nag-aangkin ng mabangong hininga at taglay ang ngiti ng isang anghel. Ngunit ang damdamin ko’y tila tigang na lupang pinagkaitan ng ulan.

Maliwanag na ang silangan nang ako’y bumangon. May bago na namang umaga. Ngunit ang tanawin sa bahay ay walang pagbabago. Tulad ng dati, nakikita ko si Nanay na nakaupo at nag-iisip sa may hagdanan. Nakatitig siya sa sampayan ng lambat ni Tatay. At madalas ang kanyang pagbubuntong-hininga.

Matagal ko nang nakikita ang sampay na lambat. Ngunit hindi ko nakikitang ito’y ginagamit ni Tatay. Noon ay walang halaga ito sa akin. Nagsimula ang pagpansin ko sa lambat noong ito’y tinapon ni Nanay mga dalawang taon na ang nakakaraan. Galit na galit si Tatay sa ginawa ni Nanay. Pinagbuhatan ni Tatay ng kamay si Nanay. Pagkatapos ipinabalik kay Nanay ang lambat sa sampayan.

"Hanggang ngayon ba’y hindi ka pa nakakalimot, Tomas? Alam ng Diyos na wala akong kasalanan. Ang kanyang ginawa ang siya mong ginagawa tuwing ikaw ay darating sa madaling-araw. Ang kanyang amoy ay siya ring amoy na galing sa dagat. Magkatulad ang inyong ikinikilos. Sino ang hindi mag-aakala na siya ay hindi ikaw? Huli na nang malaman ko ang katotohanan. Huli na nang siya ay aking makilala. Totoong lumigaw siya sa akin. At mula noon ay alam mo iyon. Ikaw ang aking iniibig, Tomas. Kailan mo pa malilimutan ang nangyari?"

[Pangkat II]

Tuluyang umiyak si Nanay. Umungol lamang si Tatay. Nanlilisik ang matang tumingin sa lambat at pagkatapos ay bumaling sa akin. May ibig sabihin ang tingin niyang nag-aapoy. Maliban sa takot na aking nararamdaman ay wala akong naintindihan sa pangyayaring iyon.

Mula noon ay hindi na ginalaw ni Nanay ang lambat. Naluma na ito ngunit buong-buo pa rin sa aking paningin. Buong-buo pa rin sa paningin ni Nanay. Ano kaya ang misteryong napapaloob sa lambat na iyon? Alam kong alam ni Nanay ang hindi ko nalalaman. At kailangang malaman ko ito. May karapatan akong malaman.

Nilapitan ko si Nanay na malalim pa rin ang iniisip. Hinalikan ko ang kanyang kamay. May ibig akong itanong tungkol sa misteryo ng lambat. Ngunit nauntol ang ibig kong sabihin nang magpatuloy ang kanyang pagluha.

"Lakad na Celso, malapit nang dumating ang Tatay mo."

Sa labasan, sumalubong sa akin ang bagong araw. Tumingin ako. Maliwanag ang langit. Langit? May gumugulo sa aking kalooban. Kalawakan. Iyan ang sabi sa aking guro sa ikaapat na baitang ng primarya. Iyan ay hindi langit kundi hangganan lamang ng pananaw ng tao. Ang langit ay nasa tao. Hindi nakikita. Hindi nahihipo. Hindi naaabot. Naabot na kaya ni Nanay ang langit?

"Ano pa ang hinihintay mo, Celso?"

Ipinahid ko sa mukha ang suot kong sando. Humakbang pagkatapos. Maya-maya’y tumakbo na ako ng matulin.

Nasa dalampasigan ang mamamili ng isang dala ng mga bangkang galing sa laot. Masasaya silang nagkukuwentuhan habang hinihintay ang mga mangingisda. Sumalampak ako sa buhangin, malapit sa kinauupuan ng dalawang lalaking may katandaan na. Sa laot ako nakatingin at pinagmamasdan ang galaw ng mga alon na pandagdag sa kagandahan ng kalikasan.

Napalingon ako nang makarinig ng tugtog ng gutara mula sa di-kalayuang bahay-pawid. At sabay kong narinig ang malungkot na awiting nagsasaad ng kasawian sa pag-ibig. At mula na namang naantig ang aking damdamin. Habang pinakikinggan ko ang malungkot na kundiman umalingawngaw ang mahinang pag-uusap ng dalawang lalaki sa tabi[o] ko.

"Naririyan na naman siya."

"Talagang pambihira ang kanyang pagmamahal. Naniniwala akong nagpapatuloy ang kanyang pangarap habang di pa namamatay ang babae sa kanyang buhay. Hindi nawawala ang kanyang pag-asa. Kung kailan natutupad ang kanyang pangarap Diyos lamang ang nakakaalam."

[Pangkat III]

Dinig na dinig ko ang mga kataga habang nagpapatuloy ang malungkot na kundimang naging bahagi na ng aking buhay. Tumayo ako at ibinaling ang paningin sa bahay-pawid sa ilalim ng kaniyugan. Patuloy ang awitin. Humakbang ako ngunit biglang napatigil sa harap ng dalawang lalaking may katandaan na. Naalala ko ang sabi ni Tatay. Bawal pumunta sa bahay-pawid na iyon. Mahigpit ang utos ni Tatay. Nagbabanta ng parusa.

Lumingon ako sa laot. Nasa malayo ang mga bangka ng mga mangingisda. Bumaling ako sa pinanggalingan ng awit na ngayo’y gumaganda sa aking pandinig. At para akong hinihila. Nakalimutan ko ang ipinagbabawal ni Tatay. Mabilis ang aking paglakad at sa ilang saglit kaharap ko na ang taong naggigitara at umaawit. May luha ang kanyang mga mata.

Tumitig siya sa akin. Inilapag ang gitara sa ibabaw ng papag na kinauupuan. Tumayo siya at dahan-dahang lumapit sa akin. Kinabahan ako. Umakma akong tumakbo ngunit nahawakan niya ang isa kong kamay. Nagpumiglas ako upang makawal sa kanyang pagyapos sa akin. Ngunit lalong humigpit ang kanyang pagyakap. Umiiyak ako.

Ngumiti siya at pinahid ang aking mga luha. Hinimas ang aking ulo. Unti-unting lumuwag ang aking paghinga. Nararamdaman ko ang kanyang pagmamahal nang tumingin ako sa kanya. Muli niya akong niyapos.

"Dalawin mo ako palagi, ha?"

Hindi ako kumibo. Tinitigan ko siya. Ang kanyang mga mata, ang ilong, ang labi – lahat parang nakita ko na. Saan? Alam ko na, sa salamin. Talagang siya ang nakita ko sa salamin na nakasabit sa dingding ng aming bahay.

Napatingin ako sa dalampasigan nang marinig ko ang hiyawan. Nagdatingan na pala ang mga bangka at nag-uunahan ang mga mamimili ng isda. Nagmadali akong tumakbo upang salubungin ang Tatay. Malayo pa ako ng makita ko siyang nakatayo sa may dinaungan ng kanyang bangka. Natanawan niya ako. Masama ang titig niya sa akin. Galit. Kinabahan ako.

"Lapit rito, Celso!"

Malakas ang sigaw ni Tatay. Nanginginig akong lumapit. At bigla akong sinampal.

"Di ko gusto ang batang matigas ang ulo! Di lang sampal ang matitikman mo kapag umulit ka pa. Hala, kunin mo ang mga isda at sumunod ka kaagad sa akin."

Habang naglalakad ay sinalat ko ang pisnging nakatikim ng sampal. Talagang mahirap intindihin si Tatay. Wala namang dahilan upang iwasan ko ang taong nasa bahay-pawid. Di naman dapat katakutan ang kanyang mukha at boses. Bakit kaya hinihigpitan ako ni Tatay?

[Pangkat IV]

Matapos akong mag-almusal, nandoon na naman si Tatay sa sampayan ng lambat. Nakatabako at nagtatagpi ng punit na bahagi ng lambat. Alam kong aabutin siya ng tanghali bago matapos ang kanyang gawain. Matapos makapananghalian siya’y matutulog. Pagkagising maghahapunan. At di pa man ganap ang gabi balik na naman sa dagat. Iyan ang buhay ni Tatay. At iyan ang bahagi ng aking buhay.

Sa aking kinauupuan sa may bintana nakikita ko sa Nanay na nakaupo sa may hagdanan. Tahimik at nakatingin na naman sa sampayan ng lambat. Luhaan na naman ang kanyang mga mata. At naalala ko ang pangyayari noong itinapon ni Nanay. Lahat may itinatagong kahulugan. At naalala ko ang nangyari kanina sa dalampasigan. Naalala ko iyong tao.

Lumapit ako sa salamin sa dingding. Pinagmasdan ko ang aking sarili. Nakita ko sa aking isipan ang mukha ng tao. Unti-unting lumiwanag ang aking kamalayan. Biglang kumulo ang aking dugo habang iniisip ang nakasampay na lambat. Nagdilim ang aking paningin. Nadama kong inihahanap ko ang katarungan ang aking kalagayan.

Nagpunta ako sa kusinaan. Hinanap ko ang itak ni Nanay na pangsibak ng kahoy. Bitbit ko ito at pinuntahan ang sampayan ng lambat. Pinagtataga ko ang lambat.

"Huwag, Celso!" saway ni Nanay na nanginginig ang boses. "Huwag!"

Naiiba sa aking pandinig ang pagsigaw ni Nanay. Pati si Tatay ay natigilan at nabigla sa aking ginawa ay hindi ko pinansin. Hinalibas ko ng itak ang lambat at saka lang ako tumigil nang ito’y magkagutay-gutay na at nagkalat sa aking paanan.

"Celso!"

Nag-aapoy ang mga mata ni Tatay na humarap sa akin. At sa unang pagkakataon ay hindi ko inalis ang aking tingin sa kanya. Nilabanan ko siya ng titigan. Di ako nagagalit kundi humihingi lamang ng pang-unawa. Ngunit bigla akong napatimbuwang nang matamaan ng malakas na suntok at napahiga sa pira-pirasong wasak na lambat.

Nahihilo ako, parang ibig himatayin. Umiikot ang aking paningin. Parang may nakita akong anino – si Tatay na sumusurot kay Nanay.

"Ngunit, Tomas," nagmamakaawa si Nanay. "Wala siyang kasalanan. Maawa ka sa kaniya."

"Pumanhik ka, Isidra!" singhal ni Tatay. "Pumanhik ka na habang ako’y nakapagpipigil pa."

[Pangkat V]

Dahan-dahan akong bumangon at sumuray-suray na lumapit kay Tatay. Ngunit isang tadyak ang sumalubong sa akin. Napatihaya ako ngunit tinangka kong makatayo. Mabigat ang pakiramdam ko sa aking katawan at ako’y gumagapang. Ngunit sinabunutan ako ni Tatay at iningudngod sa lupa ang aking mukha. Humihingal ako ngunit di ko makuhang umiyak. Nasasalat ko ang magkahalong dugo at pawis sa aking pisngi.

Di ko pansin ang mga gasgas sa dalawang siko. Sa labis na panghihina’y umusad ako nang umusad. Hanggang sa nangangatog kong mga bisig ay yumapos sa mga binti ni Tatay. Naramdaman ko ang panlalamig ng katawan at ako ay napahandusay sa kanyang paanan.

Hindi ko na alam kung gaano katagal ang pagkawala ng aking malay. Naramdaman ko na lamang may maiinit na mga bisig na yumayakap sa akin. Kinusot ko ang aking mga mata. Sumalubong sa aking paningin ang maamong mukha ni Tatay. Pagsisisi. Pag-unawa. Lahat ay kasalungat sa dati niyang gawa. Lalong humigpit ang kanyang pagyakap at kinabig ang aking mukha sa kanyang dibdib sa tapat ng kanyang puso. Matagal.


Posted at 10:06 pm by Tari_Coamenel
Comments (183)